Lyrics: Potenciano Gregorio Sr./Raymond Rivera
Music: Potenciano Gregorio Sr.
Isang gabing maliwanag, ako'y naghihintay
Sa inibig ng tapat
Namamanglaw ang puso ko
At ang diwa ko'y lagi ng nangangarap
Habang ako’y naglalakbay sa paraiso ng panaginip
Ginising ako ng tinig, malamig pa sa pag-ihip ng hangin
At napalitan ng init ng ikaw ay sumilip
Sa paningin ko’y pilit sumingit
Saklaw mo’y paningin, puso’t isip diwa
Binato-balani mo puso kong nadagitab
Sa taglay mong yumi sakdal ang ‘yong ganda
Kung ikaw ang dahilan ng pag-panaw ko’y malugod na sya nawa
Ang sambit habang ginagawaran ko ng tanaw
Ang mala-porselanang kagandahan mo
Ang dahilan upang ako’y iyong mahalina
Adhika ko’y pag-iisang dibdib sa tuwina
Oh mahalin mo irog, sintahin mo ng labis
Ang pag-ibig ko na napaka-bukal tila malinis na batis
Ang tipan ko’y ariing malugod kong inaalay
Ang pag-ibig ko’y totoo giliw siyang tunay
Isang gabing maliwanag, ako'y naghihintay
Sa inibig ng tapat
Namamanglaw ang puso ko
At ang diwa ko'y lagi ng nangangarap
Dinggin mo o irog, diligan mo ang uhaw
Puso ko’y mala-palayan na walang ulang dumadalaw
At ang katawan kong ‘to ikaw na ang may-ari
Kung puso mo’y nagiba ako ang anluwagi
Pinapangako ko sa’yo na ako’y magiging ulira
Ikaw lang ang magiging laman ng aking gunita
Hanggang aking huling hininga ikaw lang nais matanaw
Kapag nakikita ka’y nabubusog ang aking balintataw
Ikaw ang nagdulot mapunta sa rurok
Ang mawala ka’y para bang puso ko’y tinutusok
Aking ibubulid lahat ng mga negatibong pananaw
Sino mang tumangan sa iyo ay tatarakan ko ng balaraw
Aking tatalimain ano mang naisin mo
Tanging sa piling ko lamang ang ibig mo
Walang makakapaghiwalay sa’ting dalawa
Tanging ang kamatayan lamang at wala nang iba pa
Malasin mo giliw ang saksi ng aking pagmamahal,
Bituing nagniningning, kislap ng tala't liwanag ng buwan,
Ang siyang magsasabing pag-ibig ko'y sadyang tunay
Araw, gabi, ang panaginip ko'y ikaw.
Isang gabing maliwanag, ako'y naghihintay
Sa inibig ng tapat
Namamanglaw ang puso ko
At ang diwa ko'y lagi ng nangangarap